Sayaw ni Daniw

ni J. G. Dimaranan

 

Sa isang iglap nagdiklap

ang isang unibersong pangalan ay Tula.

 

Mula sa sinapupunan niya pinanganak

ang kabuuang imahen ng galak;

sa puso niya tunay na tumibok

ang metapora ng tuldok;

at sa kaniyang noo lumiwanag

ang ibig sabihin ng talinghaga—

nakataling hiwaga.

 

Sa pagpikit ng Tula

ang isda’y naging unggoy, lumangoy

paakyat ng mga uri sa mundo.

 

Sa malalim niyang paghinga,

siyang ina’y naging dalaga,

na minsan noo’y

di marunong mag-alala

pagkat abala sa pag-alala

ng mga nakalimutang alaala.

 

Sa unang kumpas ng mga kamay,

bumalik siyang muli sa pagtanda.

Pagkatapos ay sumayaw-sayaw

bilang isang hangal na diwata:

 

Sa pag-ikot ng kaniyang balikat at tuhod,

ang giting ng mga bundok ay lumuhod

at sumamba sa kadakilaan ng pag-anod.

 

Ilan pang tapik sa baywang

ang karagatang katawan

ay nagka-uwang…

at doon bumulwak ang init

ng kaloobang pinagkaloob.

 

Sa paggalaw ng kaniyang daliri sa paa

nabuhay ang mga patay

at napatid naman ang hininga

ng napakatagal nang nagluluksa—

namahinga.

 

Ganito isinilang ng Tula

ang kabuuang danas sa isang iglap,

parang lang malikmata,

(mula sa mata bumalik sa mata)

kung saan niya tunay na nakita

ang tumitingin sa kaniyang

sariling pagtingin, paningin.

 

Walang kibo.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s