Makiling

ni J. G. Dimaranan

Para kay Banahaw

 

Tinipon ko ang maliliit

na punung-kahoy

upang ipanggatong

sa nilulutong pananghalian:

pinakuluang okra at talong

at ilang gayat ng karne.

Sinibak mo naman ang malalaki

at isinalansan sa tabi,

upang gamiting pananggga

sa bantang lamig ng gabí.

 

Nakadarang ang aking mukha

sa usok at singaw ng palayok,

at sa di kalayua’y tanaw ko

ang kislap ng pawis sa iyong batok.

 

Ganito katahimik ang ating mga umaga

mula nang itirik natin ang munting kubo

sa bewang ng kabundukang ito.

 

At kung tapos na ang pagtatanim

ay nauubos ang maghapon natin

sa kapapanood ng mga malhokang

may kakatwang apoy na buhok.

Minsa’y kinakaibigan sila

ng ilang mga balicassiao

na tila malalim na dagat naman

ang mga mata, balahibo at buntot.

 

Kung ano ang kulay ng mga ibong

madalas nating pagmasdan,

ay gano’n din ang kulay

ng ating mga gabi—

sa ilalim ng malalim na asul na langit,

paandap-andap ang kinang

ng mga bituing umakit at gumuhit

sa ating dito manirahan at manatili.

Kumut-kumot ang bisig ng isa’t isa,

ang mga puso nati’y kawangis ng sigâ,

mainit, panatag, malamlam, pulang-pula,

nagliliwanag sa ihip ng hangin.

 

At alam nating tayo’y mahihimbing na

kung marinig na ng ating mga tainga

ang kalansing at kuliling

ng diwatang paparating

na siyang magtatawid sa atin

sa mga ulap ng pananaginip.

Seremonya ng Lunas

ni J. G. Dimaranan

Para kay Pi

 

Malamig na batong ‘sing bigat ng áso

itong umaalulong sa ating mga puso

sa ilan nang salítan ng araw at buwan,

sa ilan nang pag-inog ng mga búhay.

Akay-akay sa maghapon

at sa ilang milyong taon,

mahigpit ang pagkakatali,

dala-dala sa bawat lakbay.

 

Ngunit gaya rin ng áso, ang bigat na ito’y

maituturing ding isang kaibigan—

inilalakad lamang at sinusuyo

hanggang ang mga ungol ay maputol

at ang ulol na mga tahol ay manahimik

at maging payak na mga lambingan.

 

Sa pagkabisa ng bigat umiinit ang bato

na integral sa paggaling ng kalooban.

Tulad kung paano gumamit ng mainit na bato

ang mga Intsik, mga Indiyano at taga-Ehipto

sa kanilang Seremonya ng Lunas

upang pasingawin ang mga kalyong-lamig ng kaluluwa.

 

Ganito rin ang panggagamot sa sarili:

Mula sa malamig na batong ‘sing bigat ng aso,

tungo sa isang pusong may init at gaan.

 

Tanging sa proseso ng panahon,

pagbibigay, paniniwala at pag-unawa

makaaalpas itong bugnuting aso

nang malayang malaya.