On the spirit of language

Much has been said about the nature of language as a matter of socio-political construction that humanizes what is perceived; or in short: what is. Implications of its impurity in the translation of thought is allowed to form more, serving as a subjective brick for culture and human-centric evolutionary processes. It often times distorts or carry out in utter lack what is really conveyed, putting primacy on an ideal world of silent energetic transmissions built on the unsaid and the godliness of the ineffable.

But what is bypassed and overlooked is its power to suggest, its ability to present a present with surprising pleasure — when words are used not to communicate an idea but as tools to plant a wordless truth.

Advertisements

Makiling

ni J. G. Dimaranan

Para kay Banahaw

 

Tinipon ko ang maliliit

na punung-kahoy

upang ipanggatong

sa nilulutong pananghalian:

pinakuluang okra at talong

at ilang gayat ng karne.

Sinibak mo naman ang malalaki

at isinalansan sa tabi,

upang gamiting pananggga

sa bantang lamig ng gabí.

 

Nakadarang ang aking mukha

sa usok at singaw ng palayok,

at sa di kalayua’y tanaw ko

ang kislap ng pawis sa iyong batok.

 

Ganito katahimik ang ating mga umaga

mula nang itirik natin ang munting kubo

sa bewang ng kabundukang ito.

 

At kung tapos na ang pagtatanim

ay nauubos ang maghapon natin

sa kapapanood ng mga malhokang

may kakatwang apoy na buhok.

Minsa’y kinakaibigan sila

ng ilang mga balicassiao

na tila malalim na dagat naman

ang mga mata, balahibo at buntot.

 

Kung ano ang kulay ng mga ibong

madalas nating pagmasdan,

ay gano’n din ang kulay

ng ating mga gabi—

sa ilalim ng malalim na asul na langit,

paandap-andap ang kinang

ng mga bituing umakit at gumuhit

sa ating dito manirahan at manatili.

Kumut-kumot ang bisig ng isa’t isa,

ang mga puso nati’y kawangis ng sigâ,

mainit, panatag, malamlam, pulang-pula,

nagliliwanag sa ihip ng hangin.

 

At alam nating tayo’y mahihimbing na

kung marinig na ng ating mga tainga

ang kalansing at kuliling

ng diwatang paparating

na siyang magtatawid sa atin

sa mga ulap ng pananaginip.

Seremonya ng Lunas

ni J. G. Dimaranan

Para kay Pi

 

Malamig na batong ‘sing bigat ng áso

itong umaalulong sa ating mga puso

sa ilan nang salítan ng araw at buwan,

sa ilan nang pag-inog ng mga búhay.

Akay-akay sa maghapon

at sa ilang milyong taon,

mahigpit ang pagkakatali,

dala-dala sa bawat lakbay.

 

Ngunit gaya rin ng áso, ang bigat na ito’y

maituturing ding isang kaibigan—

inilalakad lamang at sinusuyo

hanggang ang mga ungol ay maputol

at ang ulol na mga tahol ay manahimik

at maging payak na mga lambingan.

 

Sa pagkabisa ng bigat umiinit ang bato

na integral sa paggaling ng kalooban.

Tulad kung paano gumamit ng mainit na bato

ang mga Intsik, mga Indiyano at taga-Ehipto

sa kanilang Seremonya ng Lunas

upang pasingawin ang mga kalyong-lamig ng kaluluwa.

 

Ganito rin ang panggagamot sa sarili:

Mula sa malamig na batong ‘sing bigat ng aso,

tungo sa isang pusong may init at gaan.

 

Tanging sa proseso ng panahon,

pagbibigay, paniniwala at pag-unawa

makaaalpas itong bugnuting aso

nang malayang malaya.

Lambing ng umagang inulan

Ang espiritu ng lahat ng entidad sa dimensyon ng tatluhang-ilusyon ay nagmula lahat sa Walang Hanggan. Ang katawan ng taong nilika ng Siyang Nag-iisa ay kaisa mismo ng paglikha. Ang Siyang Nag-iisa ay nasa atin, kung titigil lamang tayo sa pagpikit (mulat na hikayatin ang liwanag) at kung ititigil lamang natin ang walang kapararakang ingay ng isip (sa katahimikan maririnig ang katotohanan). Kung gayon, ang Ako at ang Iba ay di tunay na magkaiba; at ang dunong hinggil sa kawalan ng kaibahan ay ang mapagpalayang sikmura (o atay) na taga-proseso ng mundong hinubog sa ilusyon.

Marahil ay tama ang sinasabi ng mga Hindu na nabubuhay tayo sa panahon ni (o ng) Kali Yuga. At kung ang Siyang Nag-iisa ay nasa atin, tayong lahat din si Haring Nala.

Relihiyon, spiritualidad, rebolusyon

Noong huling bisita sa Mt. Banahaw nitong Semana Santa, tumawag sa aking pansin  ang santong patron ng mga manggagagwa at magsasaka na si San Isidro Labrador (St. Isidore the Farm Labourer). Matampok siyang santong sinamba ng mga sinaunang Filipino at kasalukuyang sinasamba pa rin (kita sa presevacion ng kaniyang figura sa kabundukan) dahil kalakhan sa atin, kundi man ang pinakamalaking tipak ng lipunang Filipino, ay mga magsasaka at manggagawang bukid.

Nang umatras ang mga katipunero sa mga bundok para sa socio-ekonomikong pag-aaklas, kasabay rin nilang umatras sa bundok ang mga nakipagdigma naman sa usaping relihiyon at paniniwala. Hindi ko na batid pagkat nawala na sa isip ang nanguna sa galaw na ito, baka maaari ninyong dagdagan itong hunta ko, pero ang rason ay dahil hindi pwedeng maging pari ang mga indio kaya nagkaroon ng hybrid na praktika ng Atavismo at Kristiyanismo ang ating mga ninuno. Naging integral ang Mt. Banahaw sa tinatawag nilang Colorum Uprisings (hango sa Latin na saecula saecolorum kalakip ng kanilang mga dasal) pagdating sa mga spiritual revolts sa Southern Tagalog; na mga pesante’t manggagawa ang kalakhan ng kasapian.

Kung sakaling may nais magpalalim, ito ang isa sa mga maaaring basahin: http://www.asj.upd.edu.ph/…/guerrero-column-uprisings-1924-…

n-28-1300x1300.jpg

Paghaharaya sa unang paskil

Gumawa ako ng bagong paglalagakan ng mga kislap-diwa at haraya hindi para ikulong sa isang segundong salita ang Panahon kundi upang magbato ng simbolikong senyales sa kapuwa. Tangka ito upang pagyamanin, patibayin ang kolektibong synapses ng pangkalahatan at pangkabuuang kaisipan kasama na ang di-maisip at kawalang-isip.

Sana’y maging produktibong nukleo ng psychic martial arts (o mind gymnastics, depende sa iyo) itong bagong plataporma. Padalan mo ako ng kuryente o kiliti sa bahaging kumentuhan, o di kaya’y mas mahabang liham sa janine.dimaranan@yahoo.com.

Maganda ang gabi dahil sa iyo!